news

Pagtatapos ng 20-Araw na Sesyon ng Tara, Basa! Program sa Region X, Naghatid ng Bagong Panimula at Pag-asa sa mga Pamilya

By: Southern Bulletin NewsSouthern Bulletin News/ 08:22 AM Wednesday, June 17, 2026
Share:f𝕏
Pagtatapos ng 20-Araw na Sesyon ng Tara, Basa! Program sa Region X, Naghatid ng Bagong Panimula at Pag-asa sa mga Pamilya
Mag-aaral na tumatanggap ng kanyang sertipiko at pagkilala sa isinagawang Culminating Activity ng DSWD Tara, Basa! Program, hudyat ng matagumpay na pagtatapos ng ilang linggong pagkatuto, pagbabasa, at paggabay sa ilalim ng tutoring sessions. (DSWD 10 Photo).

Matagumpay na isinagawa ngayong Mayo 29, 2026 ang culminating activity bilang huling bahagi ng 20-araw na tutorial at parenting sessions ng Tara, Basa! Program ng DSWD sa mga piling paaralan sa Rehiyon X. Dinaluhan ito ng mga mag-aaral, magulang, Tutors, Youth Development Workers (YDWs), mga guro, at iba pang katuwang ng programa upang kilalanin ang naging bunga ng sama-samang pagtutulungan para sa pagkatuto ng mga bata. Bilang bahagi ng culminating activity, kinilala at pinasalamatan ang mga mag-aaral at magulang para sa kanilang aktibong pakikilahok at suporta sa programa. Binigyang-pugay rin ang mga Tutors at YDWs para sa kanilang dedikasyon at malasakit sa mga komunidad na kanilang pinagsilbihan. Higit pa sa pagtatapos ng isang 20-araw na programa, naging simbolo rin ang aktibidad ng panibagong simula para sa maraming pamilya. Para sa mga magulang, naging pagkakataon ito upang mas maging bahagi sila sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Para naman sa mga bata, naging daan ito upang mas magkaroon sila ng tiwala sa sarili at pagmamahal sa pag-aaral at pagbabasa. “Dakong tabang kaayo ang Tara, Basa! kay mas nakat-on ko sa paggiya sa akong mga anak. Mas kanunay na kaming mag-istorya sa balay ug mas nagkasuod na kami,” pagbabahagi ng isang magulang. Bagama’t natapos na ang mga sessions, nananatili ang mga aral, magandang karanasan, at inspirasyong naiwan ng programa sa bawat tahanan at komunidad na naging bahagi nito. Sa loob ng 20 araw, nagsagawa ang mga Tutors ng reading at learning sessions upang matulungan ang mga mag-aaral na mapabuti ang kanilang pagbasa at pag-unawa. Samantala, nakipag-ugnayan naman ang mga YDWs sa mga magulang sa pamamagitan ng mga talakayan at gawain na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng pamilya sa paghubog sa pag-aaral ng mga bata. Patuloy na ipinapakita ng Tara, Basa! Program na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamilya, paaralan, komunidad, at pamahalaan, mas nagiging posible ang mas maliwanag na kinabukasan para sa bawat bata. Nagpahayag din ng pasasalamat ang DSWD Field Office X sa mga katuwang na paaralan, lokal na pamahalaan, mga boluntaryo, magulang, at iba pang mga katuwang na naging bahagi ng matagumpay na pagpapatupad ng programa sa rehiyon. Sa pagtatapos ng mga sesyon, dala ng bawat pamilya ang pag-asang magsisilbing simula ng mas matibay na suporta sa edukasyon at mas magandang bukas para sa kanilang mga anak. DSWD 10/ PR

Comments (0)

Sign in to leave a comment and rate this story.

Loading…

1 Active User